Balagtas

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Ang Kaligirang Pangkasaysayan ng Florante at Laura

Ang Florante at Laura ay isinulat ni Francisco “Balagtas” Baltazar noong 1838, panahon ng
pananakop ng mga Espanyol sa bansa. Sa panahong ito, mahigpit na ipinatupad na sensura kaya’t
ipinagbawal ang mga babasahin at palabras na tumutuligsa sa pagmamalabis at kalupitan ng mga
Espanyol. Dahil sa pagkontrol ng mga Espanyol, ang mga aklat na nalimbag sa panahong ito ay
karaniwang patungkol sa relihiyon o di kayaý sa paglalaban ng mga Moro at Kristiyano na tinatawag
ding komedya o moro-moro, gayundin ng mga diksyunaryo at aklat-panggramatika.
Ang relihiyon at ang paglalaban ng mga Moro at Kristiyano ay siya ring temang ginamit ni
balagtas sa kanyang awit bagama’t naiugnay niya ito sa pag-iibigan nina Florante at Laura. Ito ang
dahilan kaya nagtagumpay siyang mailusot ang awit sa mahigpit na sensura ng mga Espanyol.
Gumamit siya ng alegorya kung saan masasalamin ang mga nakatagong mensahe at simbolong
kakikitaan ng pagtuligsa sa pagmamalabis at kalupitan ng mga Espanyol gayundin ng pailalim na
diwa ng nasyonalismo. Ang mga tauhan at mga pangyayaring nagdulot ng kaawa-awang kalagayan
sa kaharian ng Albanya ay kasasalaminan ng mga naganap na kaliluan, kalupitan, at kawalang
katarungan sa Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ng mga Espanyol. Masasalamin din sa akda ang
tinutukoy ni Lope K. Santos na “apat na himagsik” na naghari sa puso at isipan ni Balagtas. (1) ang
himagsik laban sa malupit na pamahalaan; (2) ang himagsik laban sa hidwaang
pananampalataya; (3) ang himagsik laban sa mga maling kaugalian; (4) ang himagsik sa
mababang uri ng panitikan.
Ang Florante at Laura ay itinuturing na isang obra-maestra ng panitikang Pilipino at
sinasabing nagbukas ng landas para sa panulaang Tagalog noong ika-19 na dantaon. Isinulat niya
kasi ang kaniyang akda sa wikang Tagalog sa panahong ang karamihan sa mga Pilipinong
manunulat ay nagsisulat sa wikang Espanyol. Ang awit ay inalay ni Balagtas kay “Selya” o Maria
Asuncion Rivera, ang babaeng minahal niya nang labis at pinagmulan ng kanyang pinakamalaking
kabiguan.sinasabing isinulat niya ito sa loob ng selda kung saan siya nakulong dahil sa maling
paratang na pakana ng mayamang karibal na si Nano Kapule. Ang malabis na sakit, kabiguan,
kaapihan, himagsik, at kawalang katarungang naranasan ni Kiko sa lipunang kanyang
ginagalawan ay siyang nagtulak sa kanya upang likhain ang walang kamatayang Florante at Laura.
Ang awit ang nagsilbing gabay at nagturo sa mga Pilipino ng maraming bagay. Ito ay naglalaman
ng mahahalagang aral sa buhay tulad ng wastong pagpapalaki sa anak, pagiging mabuting
magulang, pagmamahal at pagmamalasakit sa bayan, pag-iingat laban sa mga taong
mapagpanggap o mapagkunwari at makasarili, gayundin ang pagpapaalaala sa madla na
maging maingat sa pagpili ng pinuno sapagkat napakalaki ng panganib na dulot sa bayan ng
pinunong sakim at mapaghangad sa yaman. Ipinakita rin sa akda ang kahalagahan ng pagtulong
sa kapwa maging doon ay sa may magkakaibang relihiyon tulad ng mga Muslim at Kristiyano.

Binigyang-halaga rin sa akda ang taglay na lakas ng kababaihan sa katauhan ni Flerida,


isang babaeng Muslim na sa halip na sumunod lang sa makapangyarihang kalalakihan ay piniling
tumakas mula sa mapaniil sa Sultan upang hanapin ang kaniyang kasintahan at siya pang pumutol
sa kasamaan ng buhong na si Adolfo. Ang akda ay gumabay hindi lamang sa mga pangkaraniwang
tao kundi gayundin sa mga bayaning nagmulat sa diwang makabayan ng mga Pilipino. Sinasabing
si Jose Rizal ay nagdala ng kopya ng Florante at Laura habang siya’y naglalakbay sa Europa at
naging inspirasyon niya sa pagsulat ng Noli Me Tangere. Sinasabi ring maging si Apolinario Mabini
ay sumipi sa pamamagitan ng sarili niyang sulat-kamay ng kopya ng awit habang siya ay nasa Guam
noong 1901. Bagama’t napakatagal nang panahon mula nang isulat ni Balagtas ang awit ay hindi
mapapasubaliang ang mga aral na taglay nitong gumabay sa ating mga ninuno at mga bayani ay
nananatiling makabuluhan, angkop, at makagagabay pa rin sa mga Pilipino hanggang sa
kasalukuyang panahon .
Sanggunian: Pinagyamang Pluma 8, Alma M. Dayag, et.al
ALAM MO BA NA…

Talambuhay ni Francisco “Balagtas” Baltazar


Isinilang si Francisco Baltazar noong ika 2 ng Abril, 1788 sa nayon ng Panginay (Balagtas)
Bigaa, Bulakan. Ang kanyang mga magulang ay sina Juan Baltazar at Juana Dela Cruz. Ang
pagmamahalan ng dalawang ito ay nagbunga ng apat na supling, sina Felipe, Concha, Nicolasa, at
Kiko.

Nabibilang lamang sa maralitang angkan ang mag – anak na Baltazar. Ang kanyang ama ay
isang panday at ang kanyang ina ay isang karaniwang maybahay. Si Kiko ay pumasok sa
kumbento ng kanilang kabayanan sa ilalim ng pamamatnubay ng kura – paroko at ditto ay natutuhan
niya ang Caton, misterio, kartilya at Catecismo.

Ang pandayan ng kanyang ama ay ginagawang tagpuan ng mga kanayon at dito ay naririnig ni
Kiko ang mga usapan at pagtatalo tungkol sa sakit ng lipunang umiiral noon. Malaki ang nagawa
nito sa kanyang murang isipan. Palibhasa’y may ambisyon sa buhay, inakalang hindi sapat ang
natutuhan sa kanilang bayan kayat umisip ng paraan kung paano siya makaluluwas ng Maynila
upang makapagpatuloy ng pag – aaral. Ayon sa kanyang ama mayroon silang malayong kamag –
anak na mayaman, na naninirahan sa Tundo at maaari siyang pumasok dito bilang utusan.

Nagustuhan naman ang paglilingkod ni Kiko sa kanyang amo kaya pinayagan siyang makapag
– aral. Nagpatala siya sa Colegio de San Jose na noon ay pinamamahalaan ng mga Hesuwitas.
Dito’y natutuhan niya ang Gramatika, Latin at Kastila, Fiska, Geografia at Doctrina Cristiana. Noong
1812 ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pag – aaral sa Colegio de San Juan de Letran at dito’y
natapos niya ang mga karunungang Teolohiya, Filosofia at Humanidades. Naging guro niya si Padre
Mariano Pilapil, ang may – akda ng Pasyong Mahal.

Naging tanyag si Kiko sa purok ng Tundo, Maynila sapagkat sumusulat siya ng tula at
itinuturing na mahusay na makata. Sa Gagalangin, Tundo ay nakilala niya ang isang dalagang
nagngangalang Magdalena Ana Ramos at ito’y napagukulan niya ng paghanga. Noong panahong
iyon ay may isang tagaayos ng tula, si Jose dela Cruz na lalong kilala sa tawag na Huseng Sisiw
sapagkat kung walang dalang sisiw ay hindi niya inaayos at pinag – uukulan ng pansin ang tulang
ipinaaayos ng sinuman. Isang araw ay may dala – dalang tula si Kiko upang ipaayos kay Huseng
Sisiw at sa dahilang walang dalang sisiw ay hindi ito inayos ni Jose. Umuwi si Kikong masamang –
masama ang loob kayat simula noon ay hindi na siya humingi ng tulong sa makata ng Tundo.

Noong taong 1853, lumipat siya sa Pandacan at doon niya nakilala si Maria Asuncion Rivera.
Sa kabila ng mga paalaala at payo ng mga kakilala at kaibigan na magiging mahirap para sa kanya
ang pamimintuho sa dalaga sapagkat magiging karibal niya si Mariano Kapule, isang mayaman at
makapangyarihan sa pook na iyon, subalit winalang – bahala ang mga paalalang ito, Hindi siya
tumugot hanggang hindi nakadaupang – palad si Maria at hindi nga nagtagal at naging
magkasintahan ang dalawa.

Palibhasa’y mayaman ginamit ni Nano ang taginting ng salapi upang mapabilanggo si Kiko.
Nagtagumpay naman ito. Sa loob ng bilangguan ay nagdadalamhati si Kiko at lalo itong nalubos ng
mabalitaan niyang ikinasal na ang pinag – uukulan niya ng wagas na pag – ibig at si Nano. Maraming
nagsasabing sa loob ng bilangguan niya isinulat ang walang kamatayang Florante at Laura at buong
puso niya itong inihandog kay Selya.

Pagkalabas niya sa bilangguan noong 1838 ay minabuti niyang lumipat sa ibang tirahan upang
di na magunita ang alaala ni Selya kaya ang alok na puwesto sa Udyong, Bataan ay buong puso
niyang tinanggap. Muling tumibok ang kanyang puso ng makilala niya si Juana Tiambeng, isang anak
na mayaman na naging kabiyak niya. Nagkaroon sila ng labing – isang supling, limang lalaki at anim
na babae sa loob ng labing – siyam na taong pagsasama nila. Pito ang namatay noong mga bata pa
at sa apat na nabuhay isa lamang ang nagmana kay Balagtas.

Dahil sa may mataas na pinag – aralan si Kiko kaya humawak siya ng mataas na tungkulin sa
Bataan – naging tagapagsalin, tinyente mayor at huwes mayor de Semantera.
Mainam –inam na sana ang buhay ng mag – anak ngunit nagkaroon na naman ng isang
usapan tungkol sa pagkakaputol niya ng buhok sa isang utusan ng isang mayamang si Alfarez
Lucas. Sa pagkakataong ito, namayani na naman ang lakas ng salapi laban sa lakas ng katwiran
kaya napiit siya sa Bataan at pagkatapos ay inilipat sa piitan ng Maynila. Nang siyay makalaya,
bumalik siya sa Udyong at dito nagsulat ng awit, komedya at namatnugot sa pagtatanghal ng dulang
Moro – moro na siya niyang ibinuhay sa kanyang pamilya.

Noong ika – 20 ng Pebrero, 1862 si Kiko ay namatay sa Udyong Bataan sa gulang na 74 na


taon.
Sanggunian: http://sulyapsayaman.blogspot.com/2007/10/talambuhay-ni-francisco-baltazar.html

You might also like