Marcelo H. del Pilar

manunulat, abogado at ilustradong Pilipino

Si Marcelo Hilario del Pilar y Gatmaitan (30 Agosto 1850 - 4 Hulyo 1896), kilala rin bilang ang "Dakilang Propagandista", ay isang ilustrado noong panahon ng Espanyol. Ang kanyang pangalan sa dyaryo ay Plaridel.[1] Pinalitan niya si Graciano López Jaena bilang patnugot ng La Solidaridad.[2]

Marcelo H. del Pilar
Kapanganakan30 Agosto 1850
Kamatayan4 Hulyo 1896 (edad 45)
Ibang pangalanPlaridel, Dolores Manapat, Piping Dilat, Siling Labuyo, Cupang, Maytiyaga, Patos, Carmelo, D.A. Murgas, L.O. Crame, Selong, M. Calero, Felipeno, Hilario, Pudpoh, Gregoria de Luna, Dolores Manaksak, M. Dati, at VZKKQJC
TrabahoAbogado
Manunulat
AsawaMarciana del Pilar (Tsanay)

Talambuhay

baguhin

Kabataan at pamilya

baguhin

Pamilya

baguhin

Mayaman ang mga magulang ni Marcelo. Marami silang palaisdaan at sakahan.[3] Si Julian Hilario del Pilar, ang kanyang ama, ay tatlong beses na naging gobernadorcillo.[4] Naglingkod din si Julian bilang oficial de mesa ng alkalde mayor. Ang ina ni Marcelo ay si Blasa Gatmaitan. Kilala si Blasa sa bansag na Blasica.[4]

Pang-siyam sa sampung magkakapatid, ang mga kapatid ni Marcelo ay sina: Toribio (paring ipinatapon sa Marianas noong 1872),[5] Fernando (ama ni heneral Gregorio del Pilar), Andrea, Dorotea, Estanislao, Juan, Hilaria (maybahay ni Deodato Arellano), Valentin at Maria.

Ang tunay na apelyido ng pamilya ay "Hilario". Ginamit nila ang apelyidong "del Pilar" alinsunod sa kautusan ni Gobernador Heneral Narciso Claveria noong 1849.

Noong Pebrero 1878, pinakasalan ni Marcelo ang pinsang niyang si Marciana (kilala sa bansag na Tsanay/Chanay).[6] Sila ay may pitong anak, dalawang lalaki at limang babae: Sofía, José, María Rosario, María Consolación, María Concepción, José Mariano Leon, at Ana (Anita). Si Sofia at Anita lamang ang lumaki (ang lima ay namatay noong sanggol pa lang sila).

Kabataan

baguhin

Sa murang edad ay natuto si del Pilar mag biyulin, mag piyano, at mag plawta.[7] Magaling din siya sa larong arnis. Kapag panahon ng Flores de Mayo ay tumutugtog siya ng biyulin. Kumakanta din siya sa mga harana (serenata).[8]

Edukasyon

baguhin

Ang tiyuhing si Alejo ang nanging unang guro ni Marcelo. Kumuha siya ng kursong Latin sa kolehiyong paaralan ni Ginoong José Flores. Lumipat siya sa Colegio de San Jose at doon ay tinamo ang Bachiller en Artes (Bachelor of Arts).[9]

Ipinagpatuloy ni Marcelo ang pag-aaral sa Unibersidad ng Santo Tomas. Kumuha siya ng Pilosopiya at kursong abogasya. Nasuspinde siya sa unibersidad nang makipagtalo siya sa kura ng San Miguel ukol sa bayad sa binyag noong 1869.[5] Siya ay nakulong ng tatlumpong araw. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral noong 1878.[6] Natapos niya ang kurso noong 1881.[10]

Kampanya laban sa mga prayle sa Pilipinas: 1880-1888

baguhin
 
Si Benigno Quiroga y López Ballesteros

Noong 1 Hulyo 1882, itinatag niya ang Diariong Tagalog (ayon kay Wenceslao Retana, isang Kastilang manunulat, ang unang labas ay inilathala noong 1 Hunyo 1882) kung saan binatikos niya ang pang-aabuso ng mga prayle at kalupitan ng pamahalaan.[5] Tinulungan siya dito nina Basilio Teodoro Moran, Pascual H. Poblete, at Francisco Calvo y Muñoz. Noong Agosto 20, 1882, itinampok sa Diariong Tagalog ang tula ni José Rizal na pinagamatang El Amor Patrio. Ito ay isinalin ni del Pilar sa wikang Tagalog, Ang Pagibig sa Tinubúang Lupà.

Noong 1885, hinimok ni del Pilar ang mga cabeza de barangay (kapitan ng barangay) ng Malolos na tutulan ang kautusan ng pamahalaan na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga prayle na baguhin ang talaan ng mga nagbabayad ng buwis. Sa talaan ng mga prayle ay lumalabas na mayroong tatlong libo katao ang dapat magbayad ng buwis. Kasama sa talaan ang mga taong namatay na, lampas na sa edad o lumipat na ng ibang lugar. Ang mga cabeza de barangay ay napilitang magpaluwal ng dapat ibayad sa mga taong patay na o wala na doon.

Noong 1887, sa hikayat ni del Pilar, ay isinumbong ni Manuel Crisóstomo, ang gobernadorcillo ng Malolos, ang dalawang prayleng lumabag sa batas kontra sa paglantad ng mga patay sa loob ng simbahan (ito ay dahil sa sakit na Kolera na tumama sa bansa noong mga panahong iyon). Ito ay isinabatas ni Benigno Quiroga y López Ballesteros, ang patnugot ng pangasiwaang sibil. Dahil sa sumbong na ito ay inaresto ni gobernador Manuel Gómez Florio ng Malolos ang nasabing mga prayle (isa sa mga prayleng ito ay si Padre Felipe García, ang kura paroko ng Malolos).

Tinuligsa ni del Pilar noong taong din yon ang kura paroko ng Binondo na si Padre José Hevia de Campomanes dahil sa paglalaan ng piling upuan sa loob ng simbahan. Ang prayle ay naglaan ng pangit na upuan sa mga Pilipino at magandang upuan sa mga mestisong Kastila at Intsik. Sa tulong din nila del Pilar, Timoteo Lanuza (ang gobernadorcillo de naturales ng Binondo), at Juan Zulueta ay naagaw ng mga Pilipino (indio) sa Binondo ang tradisyonal na gawain na kung saan ang mga mestizo at Instik ang namamahala sa kapistahan sa Binondo.

Noong Enero 21, 1888, isinulong ni del Pilar ang pagtatatag ng isang paaralan na magtuturo ng agrikultura, sining, at komersyo. Ang proyekto na ito ay sinuportahan ng mga mamamayan ng Bulakan. Sinuportahan din ito nila Terrero, Quiroga, Centeno, at iba pang mga opisyal. Nagbukas ang mga paaralan sa bansa noong 1889 sa kabila ng pagtutol ng mga Agustinong prayle at ng arsobispo ng Maynila na si Padre Pedro P. Payo.

Noong 1887 at 1888, sumulat si del Pilar ng mga petisyon laban sa mga prayle. Ang mga ito ay nakadirekta sa gobernador sibil, gobernador-heneral, at Reyna Rehente ng Espanya. Noong Nobyembre 20 at 21, 1887, isinulat niya ang mga reklamo ng dalawang residente ng Navotas (kina Mateo Mariano at gobernadorcillo de naturales ng Navotas) sa gobernador sibil. Inihanda din ni del Pilar noong Pebrero 20, 1888 ang petisyon ng mga gobernadorcillo at residente ng Maynila sa gobernador-heneral. Nagkaroon ng demonstrasyon laban sa mga prayle noong 1 Marso 1888.[7] Ang demonstrasyon ay isinagawa nila Doroteo Cortés at José A. Ramos. Sumulat si del Pilar ng isang manipesto na pinamagatang Viva España! Viva el Rey! Viva el Ejército! Fuera los Frailes! (Mabuhay ang Espanya! Mabuhay ang Hari! Mabuhay ang mga Hukbo! Palayasin ang mga Prayle!). Ang pahayag na ito ay iniharap sa gobernador ng Maynila na si José Centeno. Ito ay nilagdaan ng 810 na katao. Isang linggo pagkatapos ng demonstrasyon, nagbitiw sa pwesto si Centeno at umalis patungong Espanya. Nagtapos na din ang termino ni Gobernador-heneral Emilio Terrero at siya ay pinalitan ni Antonio Moltó.

Noong taong din yon ay binatikos ng Agustinong si José Rodriguez ang Noli Me Tángere ni Rizal. Sumulat siya ng polyeto na pinamagatang ¡Caiñgat Cayo!: Sa mañga masasamang libro,t, casulatan. Binalaan ng prayle ang mga Pilipino na huwag basahin ang Noli dahil kapag binasa nila sila ay mahuhulog sa impiyerno. Noong 3 Agosto 1888 ay sumulat si del Pilar ng polyeto na pinamagatang Caiigat Cayo. Ito ay sagot sa polyeto ni Padre Rodriguez.[11]

Pagtakas: 1888

baguhin

Dahil sa talas ng mga pagbatikos sa naghaharing uri at relihiyon, inatas na hulihin siya. Noong Oktubre 28, 1888, nakatakas si del Pilar, pumuntang Espanya at sumali sa mga Pilipinong propagandista na lumalaban para sa reporma sa Pilipinas.[12] Kinagabihan bago umalis ay isinulat ni del Pilar ang Dasalan at Tocsohan (Dasalan at Tuksuhan sa kasalukuyang baybay) at Pasióng Dapat Ipag-alab nang Puso nang Tauong Babasa sa Calupitán nang Fraile. Kasama niya sa pagsulat ng mga akdang ito ay sina Pedro Serrano Laktaw at Rafael Enriquez.

Bago umalis ay itinatag din ni del Pilar ang Caja de Jesús, María y José. Layunin nito na ipagpatuloy ang propaganda at magbigay ng edukasyon sa mga batang walang kakayahan sa buhay. Pinamahalaan niya ito sa tulong ng mga kapwa kababayan na sina Mariano Ponce, Gregorio Santillán, Mariano Crisóstomo, Pedro Serrano Laktaw, at José Gatmaitán. Ang Caja de Jesús, María y José ay nahinto at pinalitan ng Comité de Propaganda sa Maynila.

Kilusang Propaganda sa Espanya

baguhin
 
Mga kasapi sa Kilusang Propaganda. Mula kaliwa hanggang kanan: Rizal, del Pilar, Ponce.

Noong 12 Enero 1889, pinanguluhan ni del Pilar ang pangkat pampolitika ng Asociación Hispano-Filipina (Ang Samahang Kastila-Pilipino), isang samahang pambayan na binubuo ng mga Pilipinong propagandista at mga kaibigang Kastila sa Madrid upang manawagan sa pagkakaroon ng pagbabago sa Pilipinas. Noong Pebrero 17, 1889, sumulat si del Pilar kay Rizal at pinuri niya ang mga kababaihan ng Malolos sa kanilang katapangan. Ang 20 kababaihang ito ay humingi ng pahintulot kay Gobernador-Heneral Valeriano Weyler na payagan silang magbukas ng eskuwelahang pang-gabi na kung saan ay matututo silang magbasa at sumulat ng wikang Espanyol. Sa pag-apruba ni Weyler at sa pagtutol ng kura-paroko ng Malolos na si Padre Felipe García, nagbukas ang eskwelahan noong unang bahagi ng 1889. Itinuring ni del Pilar ang insidente na ito bilang isang tagumpay sa kilusang kontra-prayle. Sa kanyang kahilingan, isinulat ni Rizal ang kanyang tanyag na liham sa mga kababaihan ng Malolos, na pinagamatang Sa Mga Kababayang Dalaga Sa Malolos (To the Young Women of Malolos), noong Pebrero 22, 1889.

Noong Disyembre 15, 1889, pinalitan ni del Pilar si Graciano López Jaena bilang patnugot ng La Solidaridad.[2] Sa ilalim ng kanyang pamamahala, lumawak ang mga layunin ng pahayagan. Gamit ang propaganda, ang mga layunin ng pahayan ay ang kilalanin ng mga Kastila ang Pilipinas bilang bahagi at lalawigan ng bansang Espanya, pantay na pagtingin sa bawat Pilipino at Kastila sa harapan ng batas, pagkakaroon ng kinatawan sa Cortes Generales ang Pilipinas, pagkakaroon ng sekularisasyon sa mga parokya ng Pilipinas, kalayaan sa pagpupulong ng matiwasay, pagpapalathala, pagsasabi ng mga pang-aabuso ng mga prayle at ano mang anomalya sa pamahalaan, at pagpapatalsik sa mga prayle.

Noong 1890, nagkaroon ng hidwaan sa pagitan nina del Pilar at Rizal. Pangunahing sanhi nito ay ang pagkakaiba ng patakarang editoryal ni del Pilar sa mga paniniwala sa politika ni Rizal. Noong Enero 1, 1891, nasa 90 na Pilipino ang nagtipon sa Madrid. Sumang-ayon sila na mag-halal ng isang pinuno (Responsable). Ang kampo ay nahati sa dalawa, ang mga Pilarista at ang mga Rizalista . Ang unang pagboto para sa Responsable ay nagsimula noong unang linggo ng Pebrero 1891. Nanalo si Rizal sa unang dalawang halalan ngunit ang mga boto na binilang para sa kanya ay hindi umabot sa kailangang dalawang katlo ng bahagi ng boto. Matapos maki-usap ni Mariano Ponce sa mga Pilarista, nahalal na Responsable si Rizal. Alam ni Rizal na ang ilang mga Pilarista ay hindi gusto ang kanyang mga paniniwala kaya pagkapanalo ay magalang niyang tinanggihan ang posisyon at inilipat ito kay del Pilar. Pagkatapos ay nag-impake na siya ng kanyang mga gamit at sumakay sa isang tren na paalis patungong Biarritz, Pransya. Pagkaalis niya sa Madrid ay huminto na si Rizal sa kanyang kontribusyon ng mga artikulo sa La Solidaridad.

Matapos ang insidente, sumulat si del Pilar kay Rizal at ito ay humingi ng tawad sa kanya. Pinakiusapan din niya si Rizal na magpatuloy sa pagsulat sa La Solidaridad. Tumugon si Rizal sa sulat ni del Pilar at sinabi na tumigil siya sa pagsusulat para sa La Solidaridad dahil: una, kailangan niya ng sapat na oras upang tapusin ang kanyang ikalawang nobela na El Filibusterismo; pangalawa, nais niyang magtrabaho din ang ibang mga Pilipino sa Espanya; at panghuli, hindi siya maaaring mamuno ng isang samahang walang pagkakaisa sa trabaho.

Sa kanyang mga huling taon, tinanggihan ni del Pilar ang asimilasyon ng Pilipinas sa Espanya. Sa isang liham sa kanyang bayaw na si Deodato Arellano noong Marso 31, 1891, sinabi ni del Pilar: "Sa Pilipinas ay dapat na walang paghahati, o kung mayroon man: isa ang mga sentimyentong gumagalaw sa atin, isa ang mga ideya na hinahangad natin; ang pagtanggal sa Pilipinas ng bawat hadlang sa ating kalayaan, at sa takdang oras at sa wastong pamamaraan, ang pagwawaksi din ng watawat ng Espanya."

Matapos ang mga taon ng paglathala mula 1889 hanggang 1895, humina ang pag-pondo para sa La Solidaridad. Ang kontribusyon ng Comité de Propaganda sa pahayagan ay nahinto at pinondohan ni del Pilar ang La Solidaridad nang mag-isa. Noong Nobyembre 15, 1895, nahinto ang paglathala ng La Solidaridad.[2]

Huling taon at kamatayan

baguhin

Dahil sa pagpondo sa La Solidaridad ng mag-isa ay naubos ang natitirang salapi ni del Pilar. Siya ay lubusang naghirap sa kanyang mga huling taon sa Espanya. Para makakain kailangan pa niyang lumapit sa mga kaibigan niya doon. Namumulot si del Pilar ng mga upos ng sigarilyo sa mga kalsada at basurahan upang makalimutan ang gutom at upang mapa-init ang kanyang katawan lalo na kapag taglamig doon.[13] Noong 1895 ay tinamaan siya ng sakit na tuberkulosis. Siya ay nagpasya nang bumalik sa Pilipinas upang tumulong kay Andres Bonifacio at sa Katipunan. Noong Enero, 1896, nagtungo sila del Pilar at Mariano Ponce sa Barcelona, Espanya. Sila ay nakatakdang bumiyahe patungong Hong Kong noong Pebrero, 1896 ngunit nasuspinde ito dahil naging malubha ang karamdaman ni del Pilar. Siya ay ipinasok ni Ponce sa Hospital de la Sta Cruz sa Barcelona noong Hunyo 20, 1896. Magmula sa surgical seksyon ay inilipat si del Pilar sa medical seksyon ng ospital. Noong Hulyo 4, 1896, namatay si del Pilar sa sakit na tuberkulosis sa gulang na 45.[14] Kinabukasan ay inilibing siya sa isang hiram na libingan na pagmamay-ari ni Da. Teresa Casas de Battle sa Cementerio del Sub-Oeste sa Barcelona. Ang kanyang kamatayan ay nakatala sa Civil registry sa Distrito del Hospital of the City of Barcelona.

Ang mga labi ni del Pilar ay naibalik sa Pilipinas noong Disyembre 3, 1920.

Mga isinulat

baguhin
  • Caiigat Cayó (1888)
  • Dasalan at Tocsohan (1888) - ginamit ni del Pilar ang sagisag-panulat na Dolores Manaksak sa pagsulat nito.
  • Ang Cadaquilaan nang Dios (1888)
  • La Soberanía Monacal en Filipinas (1888)
  • Pasióng Dapat Ipag-alab nang Puso nang Tauong Babasa (1888)
  • La Frailocracía Filipina (1889)
  • Sagót ng España sa Hibíc ng Filipinas (1889)
  • Dupluhan... Dalit... Mga Bugtong (1907)
  • Sa Bumabasang Kababayan
baguhin
  • Si Marcelo H. del Pilar ay nakaharap noon sa baryang Pilipinas ng 50 sentimo, mula 1967-1974 at 1983-1994.
  • Ginampanan ni Dennis Marasigan sa Pilipinong pelikula na José Rizal (1998).[15]

Mga sanggunihan

baguhin
  1. Kahayon 1989, p. 52.
  2. 2.0 2.1 2.2 Keat 2004, p. 756
  3. Reyes 2008, p. 261.
  4. 4.0 4.1 Villarroel 1997, p. 9.
  5. 5.0 5.1 5.2 Schumacher 1997, p. 106.
  6. 6.0 6.1 Villarroel 1997, p. 11.
  7. 7.0 7.1 Reyes 2008, p. 130.
  8. Reyes 2008, p. 131.
  9. Schumacher 1997, p. 105.
  10. Nepomuceno-Van Heugten, Maria Lina. "Edukasyon ng Bayani: Mga Impluwensiya ng Edukasyong Natamo sa Kaisipang Rebolusyonaryo" (PDF). University of the Philippines Diliman Journals Online. Nakuha noong 28 Mayo 2013.
  11. Schumacher 1997, p. 121.
  12. Schumacher 1997, p. 122.
  13. Mojares 1983, p. 133.
  14. Schumacher 1997, p. 293.
  15. List of the José Rizal Film Cast

Bibliograpiya

baguhin

Maaring bisitahin

baguhin