In pectore
Ang in pectore (Latin para sa "nasa loob ng dibdib/puso") ay isang katagang ginamit sa Simbahang Katoliko Romano upang tukuyin ang mga pagtatalaga sa Kolehiyo ng mga Kardinal na isinagawa ng Santo Papa kapag ang pangalan ng bagong itinalagang cardinal ay hindi ibinubunyag sa madla (itinatabi ito ng Papa sa kanyang “kaibuturan”). Ang karapatang ito ay bihirang isinasagawa, karaniwang sa mga pagkakataon kung saan nais ng Papang magbigay ng pahayag para sa darating na mga manunulat ng kasaysayan hinggil sa isang parangal na nakalaan para sa isang kleriko o pari, subalit ayaw na manganib ang klerikong iyon sa kanyang kasalukuyang kalagayan ng pag-uusig.
Ang mga cardinal na itinalaga na in pectore ay hindi nangangahulugang nakakaalam ng kanilang katayuan. Ang ganitong itinalaga ay hindi makapanunungkulan bilang isang cardinal hanggang sa ang kanyang pagkakatalaga ay lantad na idineklara, ngunit kapag ipinahayag ay makatatamasa ng kataasan sa Kolehiyo o Dalubhasaan ng mga Kardinal na binibilang ang magmula sa panahon ng kanyang pagkakatalaga sa halip na mula sa pagkakapahayag ng katotohanang ito.
Ang mga Papa ay maaaring piliing itago ang mga katauhan ng mga kardinal dahil sa pagsasaalangalang sa:
- Ang kaligtasang pangsarili ng tao, kapag naninirahan sila sa mga rehimeng laban sa Katolisismo, Kristiyanismo, o sa relihiyon sa pangkalahatan.
- Ang kaligtasan ng pamayanan ng tao, kapag inaalalang ang lantad na pagPapahayag ng pagkakardinal ay maaaring humantong sa diskriminasyon o paghamok laban sa mga Kristiyano sa pangkalahatan at/o partikular na sa mga Katoliko.
Maaaring lumahok ang mga kardinal na in pectore sa konklabeng pampapa kapag lantaran silang itinalaga ng Papa bago ang kamatayan ng huli. Kapag hindi ipinahayag ng Papa ang kanilang mga pangalan, nawawalang bisa ang kanilang pagkakardinal pagsapit ng kamatayan ng Papa. Tatlong Papa, sina Benedicto XIV, Gregorio XVI at Pio IX, ay dating ginawang mga kardinal na in pectore subalit silang lahat ay nalathala kaagad pagkaraan.
Kasama sa mga lugar na pinaniniwalaang may mga kardinal na in pectore, na ang mga pangalan ay hindi nabunyag pagdaka, ay ang Republikang Popular ng Tsina at bago ang pagbagsak ng Unyong Sobyet at ang pagkabuwag ng Kurtinang Bakal, sa Gitna at Silangang Europa.