Persephone
Sa mitolohiyang Griyego, si Persephone (pagbigkas: /pərˈsɛfəniː/, per-SEH-fə-nee; Griyego: Περσεφόνη), tinatawag ding Kore ( /ˈkɔəriː/; "ang dilag") o Cora (Ang Cora, na Latinisasyon ng Kore, ay hindi gaanong ginagamit sa wikang Ingles) ay ang anak na babae ni Zeus at ng diyos ng ani na si Demeter, at reyna ng mundong-ilalim. Inilarawan siya ni Homer bilang kakilakilabot, kagalanggalang, at dakilang renya ng mga lilim, na nagsasakatuparan ng mga sumpa ng tao sa mga kaluluwa ng mga patay. Si Persephone ay tinangay ni Hades, ang haring diyos ng mundong-ilalim.[1] Ang mito ng pagdukot sa kaniya ay kumakatawan sa kaniyang tungkulin bilang personipikasyon ng behetasyon na umuusbong tuwing tagsibol at umaatras sa lupa pagkaraan ng pag-ani; kung gayon siya ay mayroon ding kaugnayan sa tagsibol at sa mga buto ng mga prutas ng mga kabukiran. May mga kahalintulad na mga mito na lumitaw sa Silangan, sa mga kulto ng mga lalaking diyos na katulad nina Attis, Adonis at Osiris,[2] at sa Cretang Minoano.
Si Persephone, bilang isang diyosa ng behetasyon, at ang kaniayng inang si Demeter ay ang pangunahing mga pigura sa mga misteryong Eleusiniano na nauna pa sa Olimpiyanong panteon, at nangako sa bagong kasapi ng mas kasiya-siyang pag-asa pagkaraan ng kamatayan. Ang mistikong Persephone ay pinapahayag pa na naging ina, sa pamamagitan ni Zeus, nina Dionysus, Iacchus, o Zagreus. Hindi matiyak ang pinagsimulaan ng kaniyang kulto, subalit ibinatay ito sa napakalumang mga kultong agraryo ng mga pamayanang pang-agrikultura.
Si Persephone ay karaniwang sinasamba sa piling ni Demeter, at mayroong katulad na mga misteryo. Sa kaniya lamang inaalay ang misteryong ipinagdiriwang sa Athens sa buwan ng Anthesterion. Sa klasikal na sining ng Gresya, si Persephone ay palaging inilalarawan bilang nakabalabal; na madalas na may tangang tungkos ng mga butil. Maaari siyang ilarawan bilang isang banal na mistikal na mayroong isang tungkod at isang maliit na kahon, subalit karaniwan siyang inilalarawan na nasa eksena nang dukutin siya ni Hades.
Sa mitolohiyang Romano, tinatawag siyang Proserpina, at ang kaniyang ina ay tinatawag na Ceres.