Maikling Kwento NG Tsina

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 12

Tayabas Western Academy

Founded 1928

Recognized by the Government

Candelaria, Quezon

Maikling Kwento ng
Tsina

Isinulit ni:

Arellano, Chim Sholaine R.

BSED-III

Disyembre 05, 2016


NIYEBENG
ITIM
Ni Liu Heng
(Isinalin sa Filipino ni Galileo S. Zafra)

Paparating na ang bisperas ng Bagong Taon. Nagpakuha ng litrato si Li Huiquan sa


Red Palace Photo Studio, isang bagay na ayaw na ayaw niyang gawin, dahil
pakiramdam niya, lalo pa siyang pinapapangit ng kamera. Sinasabihan na siya ni Tiya
Luo na sapat na ang apat na piraso, ngunit nag-order siya ng labinlima. Nagulat ang
klerk.
“Kinse?”
“Kinse nga.”
“Hindi kami siguradong maganda pa rin ang litrato kapag ganoon karami.”
“Gusto ko sabi ng kinse!”
May pagkainis na sa kanyang boses at iyon lamang ang magagawa niya para
mapigilan ang sarili na suntukin ang pangang iyon. Nag-order siya ng kinse para hindi
na siya bumalik pa sa susunod at ikinabuwisit niya ang ituring na kahangalan ang
ganito.
Nang bumalik siya para kunin ang litrato, mas kabado siya kaysa nang kunin
niya ang mga abo ng kanyang ina sa crematorium. Tumalikod siya at lumakad papalayo
dala ang balutang papel nang hindi pa muna sinusuri ang litrato, at nang nag-iisa na
lamang, dinukot niya ang laman. Labinlimang magkakatulad na litrato ang hawak niya,
bawat isa ay nakatitig sa kaniya nang may pare-parehong hitsura. Sa kabuuan, mas
maayos ang kinalabasan kaysa kaniyang inaasahan. Parang mas manipis ang kanyang
labi dahil nakatikom, nakatitig ang mga mata niya. Hindi mo masasabing pangit. Sa
katunayan, mas guwapo siya kaysa sa maraming tao. Wala siyang reklamo.
Dinala siya ni Tiya Luo sa komite sa kalye kung saan pinagpasa-pasahan
sila. Nakipag-usap sila sa iba’t ibang tao hanggang sa isang may katandaang opisyal
ang nagbigay rin sa kaniya ng lisensya para sa kariton. Hindi naaprobahan ang
kanyang aplikasyon para sa lisensya sa pagtitinda ng prutas dahil puno na ang kota.
Ang mga kontak ni Tiya Luo ay hindi makatulong o ayaw nang tumulong. Mayroon na
lamang lisensya para sa tindahan ng damit, sombrero, at sapatos. Wala nang pakialam
si Huiquan kung anuman ang maaaring itinda. Ang mahalaga, mayroon siyang
magawa.
Nabalitaan niyang mas madali ang pagtitinda ng prutas, mas mabilis ang kita; mas
mabagal naman sa damit, at mas mababa pa ang tubo, nabalitaan din niyang kailangan
niya ng maayos na tindahan o koneksyong black-market para talaga mapatakbo ito.
Ngunit handa siyang sumubok. Kailangang palakasin niya ang kanyang utak, at di
matatakot magtrabaho, maaayos ang lahat. Kahit maliit ang kikitain niya, hndi naman
liliit pa iyon sa natatanggap niya bilang ulila, hindi ba? Bahala na.
Paglabas nila mula sa compound ng gobyerno, nakabangga nila ang isang
matabang mama na tinawag ni Tiya Luo na Hepeng Li. Sabi ni Tiya Luo okay Huiquan
na tawagin itong Tiyo Li. Walang ideya sa Huiquan kung hepe ito ng ano at kaninong
tiyo ito, ngunit naaalala niya rito ang matatabang sumo wrestler ng Japan.
“Hindi ka ba magpapasalamat kay Tito Li sa lahat ng tulong niya?”
Magalang na yumuko si Huiquan, isang ugaling natutunan niya sa kampo.
Kailangang yumuko ang mga bilanggo sa lahat ng guwardiya, inspector, at tagamasid
na nakikipag-usap sa kanila o nakatingin man lang sa kanila- iyon ang pagsasanay.
Ginagawa niya iyon dahil nakasanayan na. Ngunit halos di siya napansin ng
mama—tila ito isang lalaking tumitingin ng kung anong paninda. Pakiramdam ni
Huiquan ay isa siyang basurahan o isang pirasong basahan na nais magtago sa isang
butas.
“Ito ba siya?” tanong ng matabang mama kay Tiya Luo.
“Mabait siyang bata, tulad ng sabi ko. Tingnan mo’t namumula na siya.”
Napatawa ang mama habang itinuon ang tingin kay Huiquan.
“Alam mo ba kung paano ka nakakuha ng lisensya gayong maramng retirado
at walang trabaho ang di-makakuha?”
“Dahil...dahil kailangan ko ng trabaho?”
“Iyon lang ba?” mapanlibak ang ngisi ng mataba.
“Dahil isa akong ulila?”
“kinakalinga ka ng pamahalaan; tiyak kong alam mo iyan. Huwag kang
manggugulo at huwag kang sakim ... nagkamali ka na. Kalimutan mo na iyon, dahil
kapag umulit ka, wala nang tutulong sa iyo.”
“Gagawin ko anuman ang ipag-utos ng pamahalaan.”
Isa na naman sa maraming islogan sa kampo. Nakabilanggo pa rin ang
kaniyang isp at damdamin kahit pinalaya na siya sa kampo. Kahit si Tiya Luo ay
tumangu-tango. Saanman siya magpunta, laging may nagsasabi sa kanya kung ano
ang dapat at di-dapat gawin; sa pagtingin sa kanya ng mababa, umaangat ang kanilang
sarili. Namalagi siya sa bilangguan. Sila ay hindi at nararamdaman niya ang mga
babala, panlalait, at paalala ay para lang sa kanya; gamitin ang ihian, walang dudura,
bawal pumasok, limang yuan na multa—lahat ay patungkol sa kanya at tanging sa
kanya lamang. habampanahon na may magpapahirap sa kanyang buhay, magtuturo sa
kaibahan niya at ng ibang tao, hihila sa kaniya paibaba. Gusto niyang lumaban pero
wala siyang lakas. Kaya magpapanggap siyang tanga, umiiwas sa mga nagmamasid at
nagmamatyag. Maraming taon na naman niyang ginagawa ito.
Masayang naglakad si Tiya Luo, di-pansin ang tamlay sa mukha ni Huiquan
habang nakasunod ito na parang bilanggo.
“Halos Bagong Taon na. Puwede kang manatili ngayong Bagong Taon sa
amin.”
“Salamat, pero maayos na po ako...”
“Sa palagay ko’y matutuwa na ang ina mo. Kung buhay siya,
ipapangalandakan niya—negosyante na ang anak ko; maganda ang kinabukasan niya ;
hindi na siya katulad nang dati. Gusto kong pasalamatan mo ang nanay mo.”
“Sige po.”
“Bahala ka kung gusto mong mag-isa ngayong Bagong Taon pero hindi ibig
sabihin na pwede kang uminom.”
“Huwag kayong mag-alala.”
“Hindi na maaga para mamili para sa Bagong Taon. Isda, manok- kung
anu-ano pa. Kung hindi ka marunong magluto, pumunta ka rito at tuturuan kita. Dapat
lang na maayos ang bagong taon mo. Pagkatapos, dapat magtrabaho na. Ayusin mo at
hahanapan kita ng nobya. Ano sa palagay mo, bata?”
“Kayo ang masusunod.” Ngumiti siya ngunit matamlay. Ang isang yari sa
kahoy at canvass na ambi ay aabot ng sandaan o mahigit pa; kung may tatlong gulong,
dagdag na tatlong daan pa mahigit. Wala nang matitira para sa paninda. Hindi pa nga
nagsisimula’y kailangan na niyang humugot sa naipon ng kanyang ina. Kinabahan siya
dahil wala itong atrasan.
Isa o dalawang araw bago ang bagong taon, nakakita siya ng kakarag-karag
at lumang tatluhang gulong na sasakyan sa East China Gate Consignment Store na
230 Yuan ang halaga. Ayos ang presyo pero napakasama ng kondisyon at
di-masasakyan. Mukhang maayos ang balangkas-kahit paano’y napanatili ang hugis;
walang gulong pero mapapakinabangan pa rin ang gilid at rayos ng gulong; walang
kuliling, walang kadena, at walang tapakan, ngunit may preno at pedal. Hindi siya
makapagpasya at pinag-isipan niya ang lahat ng anggulo. Nalibot na niya ang buong
bayan. Ang mga bagong sasakyan ay nagsisimula sa apat na raan, wala namang
ipinagbibiling umaandar pang segunda mano. Sa isang groseri, nakakita siya ng isang
sasakyang yari sa kawayan na mukha namang matibay, ngunit parang may mali rito.
Kung magtitinda siya ng damit, kakailanganin niya ang tatluhang gulong—para naman
kaaya-ayang tingnan.
“Gusto mo nito? Para saan?”
Lumapit ang klerk sa kanya.
“Kariton para sa mga damit.”
“Tamang-tama hindi ka magsisi. Kung poste ng telepono, o kongreto. O iba
pang katulad. Hindi ko ‘to irerekomenda. Pero para lamang sa ilang tumpok ng damit.
Di ka gagastos ng higit sa sandaan sa pag-aayos nito, at puwedeng tumagal pa ng
lima, anim na taon.”
“Bakit di-gumagalaw?”
“Matigas ang preno. Aayusin ko.”
Ibinigay ni Huiquan ang pera . at kinaladkad ang walang gulong na sasakyan
mula East China Gate patungong Dongsi. At mula roon, papuntang Chaoyong Gate.
Dahil sa kanyang natatanging sasakyan, naging sentro siya ng atensyon, bagaman
hindi naman nakapipinsala ang mga tingin sa kaniya. Matapos bumili ng ilang parte sa
pagawaan nagbisikleta sa labasan ng Chaoyong Gate Boulevard, tinulak niya ang
kanyang sasakyan patungong East Lane ng kalyeng Spirit Run papasok sa gate ng
bilang 18. Ang berdeng bayong na nakasabit sa kalawanging hawakan ng sasakyan ay
napuno ng tinimplang baka, dalawang pinakuluang manok, may yelong isda, apat na
paa ng manok, at isang bote ng alak—hapunan para sa Bagong Taon.binili niya at
madaling nakuha dahil ayaw niyang nakapila at wala naman siya talagang hinahanap
para sa kanyang hapunan. Mas iniintindi niya ang kanyang sasakyan, ang kanyang
bagong kaibigan, ang kanyang tahimik na kasama.
Inimbitahan siya ni Tiya Luo para maghapunan, bisperas ng Bagong
Taon.dumaan ito habang naglalagare siya ng kahoy, nakalambitin sa bibig ang isang
pirasong manok. Tumanggi na muna siya. May naaamoy ang Tiya at iniangat nito ang
takip ng palayok. Pinalambot ang paa ng manok sa kumukulong sabaw. Walang
makikitang berde—hndi balanseng pagkain. Sira na ang manggas ng kanyang
panlamig; puno ng kusotang kanyang sapatos at laylayan ng pantalon; marumi at
mahaba ang kanyang buhok. Naawa si Tiya Luo sa kanya ngunit tumanggi pa rin si
Huiquan. Ginagamit pa rin niya ang kahoy na iniwan ni Hobo,desididong gumawa ng
magandang patungan para sa kanyang sasakyan.
Bumalik si Tiya Luo upang imbitahan siyang manood ng TV—nakatatawang
palabas at iba pang kawili-wiling programa.hindi dapat palampasin. Ngunit umiling siya,
hindi man lang tuminag sa kanyang paglalagare.
“Marami pa po akong gagawin.”
“Hindi makapaghihintay kahit pagkatapos ng bagong taon.”
“Mas gugustuhin kong patapusin ninyo ako...”
“Marami namang panahon. Huwag mong tapusin agad lahat. Di ka dapat
magpagod, Bagong Taon pa naman.”
Sa umpisa, panaka-naka ang mga paputok, ngunit dumalas ang ingay at
pagsapit ng hatinggabi, akala mo’y sasabog na ang mundo. Ibinaba ni Huiquan ang
lagare at nagsalin ng alak. Matagal ana pinalambot ang paa ng manok kaya halos
matanggal na sa buto ang mga laman nito. Tama ang pagkaluto,
Medyo matabang, marahil, kaya nilagyan niya ng kaunting toyo ang plato at isinawsaw
niya ang laman dito. At kumain at uminom siya hanggang sa mamanhid ang kanyang
panlasa. Maaaninag sa kanyang bintana sa kanyang likod ang pula at berdeng ilaw
paminsan-minsan. Karangyaan kahit saan ka lumingon, mula sa mga taong kuntento sa
kanilang buhay. Ano ang balak ng milyong taong ito? Ang ang ipinagsasaya nila?
Siguradong hindi siya kabilang sa kanila. Kung buhay si ina, panahon iyon ng
pagbabalot ng dumpling, iyong maliliit na pagkaing pumuputok sa bibig na parang
kendi. Gustong-gusto niya iyon. Sa unang Bagong Taon niya sa kampo, pitumpu’t anim
ang nakain niya sa isang upuan, hanggang sa mabusog siya nang sobra’t hindi na siya
halos makaupo, at ginugol niya ng buong hapon sa paglalakad sa laruan. Gayuman,
kahit ang alaalang ito ay hindi nakapagpasaya sa kanya. Malagkit ang mga kamay niya
dahil sa pinalambutang paa ng manok at sapin ng malagkit na baboy, at nahihilo na
siya dahil sa alak.
Lumabas siya at tumayo sandali sa bakuran. Walang lamig, walang hangin.
Makulay ang langit; maraming paputok sa lahat ng dako. Ang bakuran, na may mahigit
sa pito o walong talampakan ang luwang, tulad ng balon sa lalim ng kumikinang na
bughaw na langit. Isang stereo ang bumubuga ng awit, iyong tinig na di maintindihan.
naiisip niyang mataba at pangit ang mang-aawit. Nakapanood na siya ng ganito sa
TV—magagandang boses at ngiti ngunit pangit ang itsura nila. Kumikisay sila s iskrin,
ang mga kilos ay nagpapatingkad lamang sa kanilang kapangitan at ang mga awit
nila’y ginagawang nga sigaw at halinghing. Magagandang babae lamang dapat ang
ipiakikita sa TV, subalit maaaring nagkukulang na ng suplay. Bagaman lumalayo na si
Huiquan sa mga babae, sumasagi pa rin sa isisp niya ang imahen ng magagandang
dalaga. Wala sa mga ito ang kilala niya dahil labo-labo na ang mga ito sa kanyang
utak.—malalabong imahen na ang intensyon ay malinaw at ityak. May mga panahon,
natatanging panahon, kung kaialan pinapangarap niyang mapasasayaw niya sa
kanyang isip ang mga imahen. Ngunit sa totoong mundo man o sa mundo ng ilusyon ay
hindi niya mapasunod ang mga ito, walang magawa, napilitan siyang tanggapin ang
kanyang kahinaan.
Ang isip ni Huiquan ay nabaling sa malalaswang dingding—dingding ng
banyo na ang mga sugat ay hindi mabura, ginulping dingding na halos iguho ng
malalaswang pag-atake. Kakaiba, malaswang isip at dumi ay kakatuwang
napagsasama nang maayos doon, pinupwersa siyang harapin ang maruming katawan
na pinipilit niyang itago. Mag-isa sa bisperas ng bagong taon, idinagdag niya ang sarili
niyang mga pantasya sa mga naroon sa maruruming dingding. Hindi pala ang mga
babae kundi marahil sa sarili pala niya siya naririmarim.
Sa sarili niyang paraan, inalagaan niya ng kanyang sarili. Magulo, siyempre
pa, ngunit gusto niya ang gayon, lihim, ligtas, at di komplikado. Mas maraming
mapagtataguan sa kampo kaysa sa bukid kaya nilang bilangin—taniman, maisan,
daluyan ng irigasyon, di pa nabubungkal na bukid—na ang tanging nagmamasid sa
kanya ay ang langit sa itaas at ang lupa sa ibaba. Nang naroon na siya,wala na siyang
pagtingin kay Xiaofen , kaya wala nang direksyon ang kanyang pagkahumaling. Bahala
na. Alam niyang pinaglalaruan siya ng mga demonyo at wala siyang lakas para labanan
ito.
Pagod na siya. Paubos na ang mga pagputok. Ang madalang nang pagputok
ay nagpatingkad sa kalaliman ng gabi. Puno na ang mga tao ng kasiyahan , pagkain, at
laro, at oras na para matulog ang lungsod, bago magbukang-liwayway. Wala siyang
kasama, at pakiramdam niya’y nawawala siya. Labas sa kanyang mga pantasya, wala
siyang makitang babae na karapat-dapat sa kanyang pagmamahal.
Si Luo Xiaofen , wala na sa kanyang isip, ay hinding-hindi ang babaeng iyon.
Hindi pa niya nakikita ito simula nang lumabas siya. Nagbabakasyon ito sa Harbin
kasama ng kanyang nobyo, isang assistant sa kolehiyong normal, at isang gradwadong
mag-aaral sa matematika si Luo—isang tambalang itinadhana ng langit. Ibinalita ni Tiya
Luo, Masaya at nagmamalaki, na magpapakasal na ang dalawa sa Mayo. Si Luo
Xiaofen—kababata ni Hiuquan, sabay silang nag-elementarya hanggang gitnang
paaralan, ngunit ngayon, wala na siyang pagkakatulad. Nasa Harbin si Luo.
Samantalang siya , nasa kalyeng Spirit Run, sa isang madilim na sulok, gumagawa ng
hamak na bagay. Ngunit ito ang tadhana hinahamak siyang lagi sa tadhana.
Sa unang araw ng bagong ton, pinagkaabalahan niya ang kanyang sasakyan,
sa ikalawang araw, inilabas iyon para paandarin. Tuwang-tuwang siya sa mga sisidlang
ginaw niya. Nagbisikleta siya para tingnan ang mga pakyawan, para pag-aralan ang
mga lokasyon nito. Sa ikalima pa ang nakatakdang pagbubukas ng mga ito, tila
pinagkisahan siya. Walang magagawa hanggang sa araw na ito.
Matapos na sumulat sa instruktor political Xue at ipadala ang liham, dumaan
si Huiquan sa isang tindahan ng libro at bumili ng mga kopya ng ​Mga multo sa Isang
Lumang Sementeryo​ at ​Mga Babaeng Ahas. ​Pagbalik sa bahay, humilata siya’t
nagbasa habang kinaing isa-isa ang saging. Nitong mga ang daang araw, nakaubos
siya ng isang piling hanggang sa naging madulas ang kanyang bituka at napapapunta
sa inidoro buong araw. Maayos naman ang mga libro; hindi lang siya makaalala ng
istorya.kaya’t binabasa niyang muli, at parang bago at kawili-wili pa rin sa ikalawang
pagbasa. Matapos niyang basahing muli ang mga libro, itinabi niya ito at ang mga pader
ay tila blangko at maputla. Saging pa. Itinuturing na niyang mga gago ang mga awtor.
Nakabababato. Gayon pa rin bukas, at may pakialam ba siya? Ano ang pagkakaiba ng
malaki at maliit na daga? Parehong pangit; parehong patagu-tago.
Ibinigay kay Huiquan ang puwesto sa may daanan sa timog ng silangang
tulay. Dito ang mga numero ay nakapinta nang puti sa mga ladrilyo na nasa isang
mahabang hanay ng tigdadalawang kwadrado-yardang puwesto; ang iba ay okupado,
ang iba ay hindi. Matapos niyang ayusin ang kanyang tindahan,tinakpan niya iyon ng
ambi at inayos ang kanyang sasakyan para magsilbing harap ng tindahan. Sa bandang
kaliwa niya ay ang daanang silangan-kanluran, sa bandang kanan, ang katapat nitong
hilaga-timog. Nasa tapat mismo ng pardahan para sa Eastbridge Department Store.
Nasa gilid siya ng alimpuyo ng mga tao, parang di humihinto.
Wala isa man lang na tumingin sa kanyang paninda. Pagod pa sa nagdaang
okasyon, ang mga dumaraan ay palaiwas o bugnutin. Ang kanyang designasyon ay
timog 025. Hindi magandang puwesto. Siya ang ika-25 tindero ng damit sa isang
mahabang yardang lugar. ang mga tindahan ng pagkain ay nasa hilagang bahagi ng
kalye, na may di kulang sa anim na nagtitinda ng inihaw na kamote at ilan pang
matatandang naglalako ng malamig na dalandan at halos bulok nang saging.
Napuno ng kulay berde sa kanyang tindahan—isang bunton ng walong
kulay-olibong kasuotang pang-army . isinampay niya ang ilan, inilatag ang iba at isinuot
ang isa. Niloko siya ng matandang lalaki sa pakyawan. Hindi maitinda ang mga
kasuotan, panlamig na angora, at sapatos na gawa sa canvass. Ang naitinda lamang
niya nang araw na iyon ay mga angora. Madaling naubos ang dalawang piraso.
Mangyari pa, iyon ang pain para sa iba pang paninda. Ang pakyawan ay tres-diyes.
Ibinenta niya ang una ng apat na yuan at ang huli, sais-beinte. Walang kinakailangan
magturo sa kanya. Natuto siya nang iabot sa kanya ng unang kostumer ang pera;
huwag kang matataranta sa pera at kalimutan mo na ang pagiging magalang sumigla
siya, sa kung anumang dahilan; kumislap ang mata niya, na napanatag siya. Sa wakas,
isang bagay itong may kontrol siya.
Gusto sana niyang magtago ng isang gora para sa sarili. Para itong Ku Klux
Klan na talukbong—mga mata lamang ang makikita—at iyon ang kailangan ng
nagtitinda. Pakikiramdam ni Huiquan ay makapangyarihan siya, tulad ng misteryosong
matanda na naglalako ng minatamisan na nakatayo sa harap ng East Bridge
Department Store, sa dinaraanan mismo ng hangin. Ilang oras na walang imik, walang
kibot. May mga kostumer siya—hindi marami kaunti—ngunit hindi na matagalan ni
Huiquan na panoorin siya, alam niyang maaari siyang sigawan nito kapag nagpatuloy
pa siya.
“Sapatos na tatak-perfection mula sa Shenzhen Free Economic Zone.
Sapatos, tatak-perfection, gawa sa Shenzhen...”
Nagulat ang mga naglalakad sa sigaw niyang ito. Narinig na niya ang
ganitong pagtawag sa gate ng Silangang China at sa Bukanang Gate, ngunit hindi niya
alam kung kaya niya ang ganito. Mahirap, sa isip niya; hindi niya kaya. Ngayon, alam
na niyang mali siya sa pagtantya sa sarili.
“mga blusang Batwing! Halikayo rito! Tingnan ninyo!”
Sa pagkakataong ito, napakasama ng tunog, ngunit tila walang nagulat. Ilan
pang Segundo, nasanay na ang mga mamimili sa kanyang kakaibang sigaw.
Maipagkakamaling galing sa aso o kotse, at hindi pa rin papansinin ng mga namimili.
“Mga blusang batwing! Seksi! Seksi! Seksi! Mga babae!”
Kung makasisigaw lang talaga siya ng kung anong malaswa para mapansin.
Buong araw, binantayan niya ang kanyang tindahan. Mula umaga hanggang oras ng
hapunan, ngunit wala siyang nabenta, isa man lang panlamig na angora o isang pares
ng sapatos kaya—wala maliban sa dalampung angora. Kahit iyon lang, ang may
katandaang babae sa kanyang kanan ay naiingit, dahil iyong mas matagal na ito rito,
naibenta lamang nito ay pares ng medyas at dalawang panyo. Ang tindahan sa kaliwa
ay binabantayan ng isang lalaking dadalawampuin na muntik nang mapaaway sa isang
kostumer dahil sa isang jacket na balat. Ang sabi ng kostumer, iyon ay imitasyon; ipinilit
ng tindera na tunay iyong balat. Kinusot iyon ng kostumer at iginiit na imitasyon iyon
mula sa ibang bansa. Naubos na ang pasensya ng isang tinder. Alam ni Huiquan na
tunay iyong balat, ngunit hindi siya nakihalo sa gulo. Walang dahilan para sumangkot.
Na ang lalaki ay nag-alok sa kanya ng sigarilyo, tumanggi siya. At siya naman ang
nagsindi. Di niya pinansin ang lalaki. Wal siyang balak na mapalapit kaninuman.
Kailangang mag-ingat kapag sangkot ang ibang tao.
Siya ang huli sa mga hanay ng mga tindahan na nagsara ng araw na iyon.
Alas nuwebe na, kalahating oras matapos magsara ang Department store, madilim ang
paradahan, halos walang nagawa ang mga ilaw sa kalye; wala nang kostumer sa gabi.
Nagsasara na rin ang tindahan sa tapat, na binantayan ng dalawang lalaki, ngunit kahit
gabing-gabi pa, parang ayaw pa nilang tapusin ang araw; may lungkot at
panghihinayang sa kanilang tinig.
“Medyas na nylon, pasara na! Otsenta sentimos ang isang pares...otsenta
sentimos isang pares! Paubos na ang medyas na nylon. Huling tawag! Medyas na
nylon...
Dumaan ang kanilang sasakyan sa gilid ng kalye patungo sa daan, sa
direksyon ng tore ng pamilyang Hu. Pumedal ang isang tindera samantalang ang isa ya
nakaluhod sa sasakyan at iwinawagayway ang isang pares ng medyas na nylon.
Sandali lang ang kanilang lungkot na mabilis na pinalitan ng pambihirang tuwa. Ang
kanilang mga tinig—isang mataas, isang mahina—ay iginala ng hangin sa gabi.
Sa sumusunod na araw ay nakabenta siya ng muffler.
Sa ikatlong araw ay wala siyang naitinda.
Sa ikaapat na araw ay wala pang kalahating oras pagbubukas niya ng
tindahan, nakabenta siya ng kasuotang pang-army sa apat na karpentero na kababalik
lamang sa Beijing mula sa timog. Pagkagaling sa estasyon ng Beijing, tumungo sila sa
hardware sa tore ng pamilyang Hu, at nang marating nila ang silangang-tulay, nagkulay
talong ang kanilang mga labi dahil sa lamig. Naligtas ang kanilang mga balat ng
kasuotang panlamig ni Huiquan, at ang kanilang pera ay mabilis niyang isinilid sa
kanayng bulsa. Bago siya nakapagtinda, matamlay niyang hinarap ang negosyo, ngunit
nagbigay ng inspirasyon ang pagbili ng mga karpintero. Tiyaga ang susi para sa isang
buhay na matatag. Kahit sa pinakamalalang panahon, walang ibubunga ang mawalan
ng pag-asa. Mas mabuting maghintay kaysa sa umayaw, dahil walang makaaalam
kung kailan kakatok ang oportunidad. Hindi naman sa lahat ng pagkakatoan ay malas
ka, hindi ba? Nag-iisip si Huiquan.

You might also like